Ayon kay Senga, inatasan na niya si Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) chief Commodore Leonardo Calderon na siyasatin ang operating unit ng Military Intelligence Group (MIG) 15 na siya umanong umaresto kina Virgilio Eustaquio, PO3 Jose Curameng, Jim Cabautan, Dennis Ebona at Ruben Dionisio, pawang kasapi ng Union of the Masses for Democracy and Justice (UMDJ) noong Lunes.
Gayunman, tiniyak ni Senga na sakaling mapatunayan na may paglabag sa batas sa panig ng ISAFP ay hindi nila ito kukunsintihin. Unang itinanggi ng AFP ang pagka-aresto sa lima pero inamin din kinabukasan ni AFP spokesman Col. Tristan Kison.
Samantala, hindi palalagpasin ng Senado ang umanoy paglabag sa karapatang-pantao ng ISAFP.
Ayon kay Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng Senate committee on national defense and security, hihimayin nila ang alegasyon ng lima na silay pinahirapan at pinakawalan matapos ang tatlong araw.
Sinabi ng lima na nakaranas sila ng mental torture bukod pa sa matinding panggugulpi sa kamay ng mga humuli sa kanila.
Sa lima ay si Dionisio ang nakatikim umano ng grabeng pagpapahirap na kinuryente pa ang ari.
Ang lima ay nasa pangangalaga ngayon ni Sen. Jinggoy Estrada. (Joy Cantos/Rudy Andal)