Ayon kay Sen. Richard Gordon, inuumpisahan na nilang bulatlatin ang mga pangalan ng NPO officials para maigisa ito at malaman din kung hanggang saan ang naging partisipasyon nito sa paglimbag ng praymer ng Charter change at kung may nilabag itong batas.
Ang imbestigasyon na isusulong ng Senado ay batay na rin sa complaint letter na ginawa ni Anselmo Badillo, sales mana-ger ng Ernest Printing Corporation (EPC) hinggil sa maanomalyang bidding na pinasok ng NPO sa pamamagitan ng officer-in-charge na si Philip Evardone, kapatid ni Eastern Samar Gov. Ben Evardone, isa sa mga tagataguyod ng Chacha.
Bukod sa EPC, dismayado din ang Eastland Printing Inc., (EPI) na pinamumunuan naman ng magkapatid na Robert at Napoleon Bunagan dahil sa pagpabor ng pamu- nuan ng NPO sa ilang bidders.
Tinukoy din ng EPC ang maanomalyang bidding noong Abril 6, 2006 para sa mga accountable forms ng Bureau of Customs, kung saan inihayag na P3M lang ang pondo para sa naturang bidding pero sa hindi malamang dahilan umabot ito sa P91M para sa buong taon ng 2006.
Ayon kay Badillo, labag sa batas ang bidding dahil hindi man lang nailathala sa pahayagan ang P91-M proyekto alinsunod na rin sa itinakda ng batas hinggil sa bidding sa mga government offices. (Rudy Andal)