Ayon kay Sen. Richard Gordon, nakatanggap siya ng reklamo mula kay Mr. Anselmo Badillo ng Ernest Printing Co. Inc. kung saan ay inaakusahan si NPO officer-in-charge Felipe Evardone at ilang tauhan nito ng pagpabor sa ilang printers na malalapit sa kanila.
Sa liham nito kay Gordon, itinago sa mga accredited printers ang magaganap na bidding process para sa isang kontrata mula sa Bureau of Customs upang hindi sila makasali.
Wika pa ni Badillo, sa panahon lamang ng panunungkulan ni Evardone naganap ang nasabing anomalya sa bidding. Si Evardone ay kapatid ni Eastern Samar Gov. Ben Evardone na nagsusulong naman ng Cha-cha.
Sa reklamo naman ni Napoleon Bunagan, general manager ng Eastland Printlink Inc., hinihingan umano nina Marietta de Guzman, chairperson ng Bidding and Awards Committee (BAC) at ang executive secretary ni Evardone na si Nanette Golez, ang mga accredited printers nang 6.5% commission kapalit ng ibibigay nila ditong kontrata bilang standard operating procedures umano sa NPO.
Wala umanong naging aksyon si Evardone sa reklamo kaya napilitan na silang lumiham kay Sen. Gordon. (Rudy Andal)