Kahapon ang itinakdang deadline sa mga overstaying officers na lisanin ang BNS housing, subalit sa halip na payapang umalis ay nagkaroon ng tulakan at sigawan sa pagitan ng mga overstaying officers at eviction team.
Dalawa sa tumangging lumayas sina Brig. Gen. Eduardo Cabanlig at Lt. Gen. Edgardo Espinosa, gayundin sina retired Commodores Antonio Suratos, Alberto Orevillo, Pablo Perez; at retired Navy Captains Walter Briones, Renato Santos at Pablo Viray.
Si Cabanlig ang chief of staff umano ni Sen. Rodolfo Biazon.
May 100 junior officers at 1,200 sundalo na miyembro ng Task Force Balik-Bahay ang nag-serve ng order at tumulong sa pag-iimpake ng mga retired officers.
Nagsimula ang tensiyon nang sumigaw si Viray sa mga miyembro ng eviction team ng "Marines di ito giyera. Why do you carry guns? We dont have guns here," ani Viray.
Nakahanap naman ito ng kakampi sa katauhan ni ret. Marine Brig. Brigido Paredes na naghamon sa eviction team na barilin na lamang siya. "You load your guns and kill me and Ill show you how to die," sabi ni Paredes sa Marines.
Sa gitna ng komprontasyon ay inutos ni eviction team commander Marine Lt. Col. Gioksan Damang sa tropa nito na pasukin ang quarters ni Viray at nagbanta na kung hindi kayang sundin ang kanyang utos ay umalis na sa BNS.
"Ang hirap itong buhay nating ito, tayo ang naiipit dito," pahayag ng mga miyembro ng task force na dating nagsilbi kay Viray sa Sulu at Tawi-Tawi.
Wala nang nagawa ang tropa kundi sundin ang order ni Damang at sa loob ng 15 minuto ay nailabas ang mga gamit ni Viray.
"Hindi naman kami mga balasubas, ang gusto lang natin dito ay pairalin ang rule of law hindi military law. Mga civilians na kami at hindi military," pahayag ni ret. Capt. Proceso Maligalig.
Ayon kay Maligalig, ang Navy Officers Village Asso. Inc. (NOVAI) ang tunay na may-ari ng naval station housing matapos manalo ang kaso sa korte at ang kinukuwestiyong lupa ay nai-titulo sa ilalim ng NOVAI.
Ang task force ay binuo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para siyang magpatupad ng eviction order sa "squatting" officers. Silay binubuo ng 1,300 officers at enlisted men.
Inisyu noong May 12 ang notice of eviction kasunod ng pagbasura ng Makati at Pasig regional trial courts sa apela ng retired officers na temporary restraining order upang mapigilan ang eviction order.
Sa ilalim ng Navy rules, ang mga retired officers ay dapat ipamana na sa mga aktibo sa serbisyo ang kanilang quarter, 60 araw matapos na magretiro ang mga ito.
Nagpahayag naman ng kagustuhang umalis subalit wala pang nahahanap na malilipatan sina rear Admirals Guerrero Guzman at Commodores Alberto Orevillo, Arturo Orevillo, Arturo Capada at Justo Manlongat.
Nauna nang umalis sina ex-Navy chief Vice Admirals Victorino Hingco at Ernesto de Leon. (Rose Tamayo-Tesoro/Jaime Laude)