Sa 3-pahinang en banc order ni Senior Associate Justice Reynato Puno, ipinaliwanag ng SC na mahalagang mabigyang pagkakataon ang mga petitioner na makapagpaliwanag kontra sa mosyon na isinampa ni Solicitor General Eduardo Nachura.
"Now therefore, you petitioners are hereby required to comment on the subject motion for reconsideration within a non-extendible period of ten (10) days from notice hereof," ani pa ng SC.
Kabilang sa inatasang magsumite ng paliwanag ay ang Senado, Bayan Muna, Alternative Law Group (ALG), dating Solgen Frank Chavez, PDP Laban at Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Una nang hiniling ni Nachura sa SC na muling pag-aralan ang naunang desisyon nito na nagpapawalang-bisa sa ilang probisyon ng EO 464 dahil hindi naman nagkaroon ng pag-abuso sa panig ng Pangulo nang iisyu nito ang naturang kautusan.
Sa inihaing mosyon, iginiit nito na may kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na obligahin ang mga opisyal na sakop ng ehekutibo na magpaalam muna sa Presidente bago humarap sa mga pagdinig ng Kongreso, sa pamamagitan ng paggigiit ng executive privilege. (Grace dela Cruz)