Mediamen, militant killings bahagi ng destab vs GMA

Malaki ang paniniwala ni National Security Adviser Norberto Gonzales na ang sunud-sunod na pagpatay umano sa mga mediamen at miyembro ng militant groups ay bahagi ng destabilisasyon upang pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Arroyo.

Ayon kay Gonzales, wala umanong pagkakaiba ito sa Plaza Miranda bombing noong 1971 na ang itinuturong may pakana ay ang administrasyon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos, gayong si CPP-NPA founder Jose Ma. Sison ang may kagagawan.

Maging ang pagpatay kina leftist leaders Rolando Olalia at Lean Alejandro na kapwa mga military adventurist ay isinisisi naman kay dating Pangulong Cory Aquino.

Bunga nito, sinabi ni Gonzales na pinaiigting na nila ang kanilang monitoring o counter measure hinggil sa assassination plot at paghahanda laban sa communist movement at legal fronts nito na umano’y nakakalat sa bansa kabilang na ang Batasan 5 na may nakabinbing kaso sa Makati City Regional Trial Court.

Iginiit ni Gonzales na nais nilang maipakulong ang mga ito dahil sa panggugulo at destabilisasyon sa pamahalaan upang maging maayos na ang sitwasyon ng bansa.

Nilinaw din ni Gonzales na hindi naman krimen ang pagiging komunista subalit ang pagkakasangkot ng isang grupo sa mga armed struggle upang pabagsakin ang pamahalaan ay isang iligal na pamamaraan kung kaya’t kailangan na ipataw sa mga ito ang karampatang parusa. (Doris Franche)

Show comments