Sa panayam sa telepono, sinabi ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na mas madidiin si Arroyo sa ginawa nitong pandaraya at mga katiwaliang nagaganap sa gobyerno sa sandaling umusad na ang panibagong impeachment na pinaghahandaan ng oposisyon.
Si Cayetano ang tumatayong spokesman ng minorya sa House of Representatives kaugnay sa round 2 ng pagsasampa ng reklamo laban sa Pangulo na ihahain sa Hulyo 26.
Pero tumanggi si Cayetano na sabihin kung ano ang bagong "bomba" na hawak nila dahil masyado pa anyang maaga para itoy pag-usapan.
Sinabi ni Cayetano na sa ngayon ay tinitiktikan na sila ng Malacañang kaya ito na anya ang huling pagkakataon na magsasalita siya tungkol sa impeachment.
Bukod sa sinasabing "bomba," gagamitin din ng oposisyon ang naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa Executive Order 464, Calibrated Preemptive Response at Proclamation 1017 bilang bahagi sa ihahaing reklamo.
Handa naman ang kampo ni Pangulong Arroyo sa panibagong impeachment at inaasahan na ng Palasyo na muling magtatangka ang oposisyon matapos mabigo sa unang tangkang mapaalis ito sa puwesto.
Naniniwala si Executive Secretary Eduardo Ermita na sa basurahan din babagsak ang panibagong reklamong ihahain ng oposisyon dahil sa kawalan nito ng sustansiya at porma.
Ito anya ay sa dahilang mga dating isyu na hindi tinanggap ng Kamara noon ang muling ipiprisinta.
Kung numero lamang aniya ang pagbabatayan, tiyak na hindi magtatagumpay ang reklamo dahil mayorya ng mga kongresista ay kaalyado ng administrasyon.