Ang pagkakadiskubre ng katiwalian ay bunga na rin ng kahilingan sa Malacañang ng mga ito na magsagawa ng lifestyle checks sa mga opisyales ng NPO upang imbestigahan sa hindi maipaliwanag na kayamanan ng mga ito.
Sa complaint-affidavit ng mga opisyales ng Eastland Printink Inc., na inihain nito kay NPO office-in-charge Felipe Evardone noong Abril 9, 2006 at Abril 19, ibinulgar nito ang sapilitang pangingikil ng mga tauhan nitong sina Nanette Golez, executive secretary at Marietta de Guzman, chairman ng NPO Bidding and Award Committee (BAC).
Sinabi ni Napoleon Bunagan, general manager ng Eastland Printink Inc., na sapilitang humihingi ng kabuuang 6.5 porsiyento sa bawat kumpanya sina de Guzman at Golez bilang bahagi ng ipinatutupad ng mga itong standard operating procedure (SOP).
Kapag tumangging magbigay sa nasabing SOP ay iniipit umano ng BAC ang mga papeles ng mga nasabing kumpanya hanggang sa hindi na isali ang mga ito sa isinasagawang bidding.
Sinabi naman ni Eastland Printink VP-Finance Manager Robert Bunagan, na maliban sa 1.5 porsiyentong hinihinging SOP nina de Guzman at Golez ay awtomatiko ring may napupuntang 5 porsiyento sa tanggapan ni Evardone.
Mistula namang walang aksyon sa reklamo si Evardone sa idinulog ng mga private printers kung kayat naniniwala ang mga itong may nagaganap na sabwatan. (Doris Franche)