Sa ulat ni team leader Art Valdez, dakong alas-7:34 ng umaga nang makarating ng ligtas sa summit ng Mt. Everest si Emata.
Napabilis umano ang pagdating ni Emata sa peak ng bundok dahil sa nabiyayaan ito ng magandang panahon. Una na nilang tinantiya na bandang tanghali pa o hapon ito makakaabot sa tuktok.
Samantala, nasa Camp 3 na si Leo Oracion, ang unang Pinoy na nakarating sa summit kamakalawa ng hapon. Nagtagpo pa sila ni Emata sa naturang kampo ngunit 30 minuto pa lamang nakakapagpahinga si Oracion nang tumulak na para sa sarili niyang "summit assault" ang una.
Kasalukuyang pinagpapahinga pa ni team physician Dr. Ted Esguerra si Oracion sa Camp 3 bago tuluyang bumaba sa Base Camp.
Iniulat ni Valdez na naghihiyawan ang mga Pinoy mountaineers sa kanilang base camp matapos na malaman na nakarating na sa summit si Emata. Kasama ring nagbubunyi ng mga Pilipino ang mga dayuhang mountaineer na umanoy napabilib ng mga Pinoy dahil sa angking talento at tapang sa pagsubok.
Ipinagdarasal naman ng buong Philippine team ang ikatlo pang mountaineer na si Romy Garduce na ligtas ring makaakyat sa summit ng bundok upang makumpleto ang tagumpay ng Pilipinas.
Nabatid na pare-parehong ruta ang ginamit ng tatlong climber, ang Southridge.
Sinabi naman ni PCG spokesman Lt. Commander Joseph Coyme na isasama na nila ngayon sa "special search and rescue team" ang buong team ng First Philippine Mt. Everest Expedition na siyang mangunguna sa mga mahirap na operasyon sa oras ng sakuna.
Ikinalugod naman ni Pangulong Arroyo ang matagumpay na pag-akyat sa Mt. Everest nina Oracion at Emata.
"The conquest of the worlds highest peak is a mark of Filipino excellence, perseverance and courage in braving the hard trek of nation building," anang Pangulo.
Bibigyan naman ng parangal ng Senado at Kamara ang mga Pinoy na nakaakyat sa Mt. Everest.
Ayon kina Sens. Richard Gordon at Pia Cayetano, hindi matatawaran ang determinasyon nina Oracion, Emata at Garduce at iba pang miyembro ng First Philippine Mt. Everest Expedition Team sa ipinakita nilang kakayahan at determinasyon na itinaya ang mga buhay maitayo lamang ang bandila ng Pilipinas sa tuktok ng Mt. Everest.
Anang mambabatas, dapat lang bigyan ng parangal ang mga Pinoy na ito dahil higit pa sa pagkapanalo ng gold medal sa Olympics ang katumbas ng kanilang natamong karangalan. (May ulat nina Lilia Tolentino/Rudy Andal/Malou Escudero)