Inatasan ng Pangulo si Special envoy to the Gulf Cooperation Council Amb. Aguiluz na sikaping mailigtas sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo si Sarah Dematera, 34, na inakusahang pumatay sa kanyang employer noong Nobyembre 1992.
Hinatulan ng kamatayan si Dematera ng local Sharia Court sa Dammam noong Nob. 14, 1993 dahil sa pagpatay umano sa kanyang amo.
Matapos ang pagsisikap ni Aguiluz ay pumayag ang pamilya ng biktima para sa 2 milyong Saudi rial (P28 milyon) at nitong Mayo 10 ay tinanggap ng pamilya ng biktima ang paunang bayad sa blood money na 500,000 Saudi Rial o P7 milyon. Ang 175,000 Saudi rial (P2.45 milyon) ay donasyon ni Amb. Aguiluz habang ang iba naman ay nagmula sa kontribusyon ng mga OFWs.
Iniutos naman agad ni Abdullah bin Abdul Al Yamani ng Ministry of Justice na itigil ang pagpaparusa kay Dematera matapos tanggapin ng pamilya ng biktima ang paunang blood money.
Nagpasalamat naman ang pamilya ni Dematera kina Pangulong Arroyo at Amb. Aguiluz dahil sa ginawang pagtulong sa OFW para mailigtas sa parusang kamatayan. (Rudy Andal)