Sinabi ng Pangulo na lahat ng pagsisikap ay gagawin ng buong disaster response system mula lokal hanggang nasyonal para matiyak na matutulungan ang lahat ng apektadong biktima ng kalamidad.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Agriculture (DA) para tulungan ang mga magsasakang nawasak ang mga taniman gayundin ang Department of Trade and Industry (DTI) para matyagan ang presyo ng mga pangunahing bilihin laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
Sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na labis na nalungkot ang Pangulo sa sinapit ng mga biktima ni Caloy pero tiwala itong malalagpasan ng mga naapektuhang residente ang naganap na kalamidad .
Kaugnay nito, sa tala ng tanggapan ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator ret. Major Gen. Glen Rabonza, nabatid na umaabot sa mahigit P40 M ang iniwang pinsala sa agrikultura at imprastraktura, lumobo sa 41 ang death toll, 15 ang nasugatan at 10 ang nawawala sa paghagupit ni Caloy sa Region IV-A, IV-B, V, VI, VIII at National Capital Region (NCR).
Nabatid na ang bagyong Caloy ay nakaapekto sa 10,962 pamilya o kabuuang 53, 307 katao sa kabuuang 174 barangay sa 60 munisipalidad at pitong siyudad sa mga lugar na sinalanta nito. (Lilia Tolentino/ Joy Cantos)