Sa 203-pahinang desisyon ng Citizens Congress for Truth and Accountability (CCTA) sa Club Filipino Greenhills, San Juan, sinabi ni ex-Vice Pres. Teofisto Guingona, Jr., lumalabas na talagang nandaya si Arroyo sa 2004 presidential elections partikular sa mga probinsiya ng Cebu, Pampanga, Iloilo at Bohol matapos na mapatunayan na ang mga election returns sa mga nasabing lugar ay na-manufactured at na-tampered.
Ayon kay Guingona, limang buwan nilang pinag-aralan ang mga ebidensyang iprinisinta sa Peoples Court at lumalabas na responsable ang Pangulo sa kanyang mga kasalanan kaya inirekomenda ng CCTA na bumaba na si Arroyo sa kanyang puwesto.
Ang CCTA ay nag-umpisa sa kanilang paglilitis noong Nob. 8, 2005 at nagkaroon ng limang public hearings at 22 mga saksi ang tumestigo laban kay Arroyo.
Responsable din ang Pangulo sa malawakang pamamaslang, pagdukot at iba pang paglabag sa karapatang pantao mula ng mailuklok siya sa kapangyarihan noong 2001.
Gayundin, nilabag ng Pangulo ang anti-graft law ng bansa partikular ang pag-divert ng mga public funds para gawing pondo sa kanyang election campaign sa dalawang malaking transaksiyon na kinabibilangan ng kontrobersiyal na Venable LLP contract at Northrail project.
Guilty din ang Pangulo sa ginawang phone conversation kay ex-Comelec commissioner Virgilio Garcillano na naglalaman ng dagdag-bawas sa katatapos na 2004 presidential polls.
Binalewala naman ng Malacañang ang hatol na "guilty."
Ayon kay Executive Sec. Eduardo Ermita, layon lamang umano nito na hiyain sa publiko ang Pangulo dahil ang kanilang naging hatol ay hindi kailanman magagamit na ebidensiya sa korte o maging sa inihahanda ng oposisyon na ikalawang impeachment complaint laban kay Arroyo.
Aniya, hindi nalalayo ang Peoples Court sa kangaroo court ng New People's Army. (Edwin Balasa at Lilia Tolentino)