Ayon kay Atty. Don James Mendoza, abogado ng Mandy Commodities Inc., ginamit umano ng alkalde ang kanyang impluwensiya para ipagiba ang 51 bodega sa Numancia Property na makikita sa Numancia St. corner Urbiztondo St., Binondo.
Nabatid na ang may dalawang ektaryang lupang kinatitirikan ng may 51 bodega na gawa sa kongkretong pader ay sinimulang i-demolish noong Abril 29 hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi ni Atty. Mendoza, malinaw na "harrassment" sa panig ng mga negosyante ang umanoy ginawang pagpapagiba ng alkalde sa kani-kanilang mga bodega na naglalaman ng ibat-ibang produkto.
Wala man lamang umanong ipinalabas at ibinigay na notice to vacate ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga negosyante sa halip ay basta na lamang dumating at lumusob sa kanilang lugar ang demolition team na guwardiyado ng mga tauhan ng Special Operation Group (SOG) ng Manila Police District saka isa-isang giniba ang mga nabanggit na bodega.
Hindi rin umano iginalang ng grupo ng demolition team ang "status quo" order na ipinalabas ni Judge Cesar Solis ng Manila Regional Trial Court Branch 14 nitong nakalipas na Mayo 5, 2006.
Bunsod nito ay plano ngayon magsampa ng mga negosyante ng kasong Comtempt of Court, Criminal at Administrative sa Office of the Ombudsman laban kay Mayor Atienza at lahat ng taong pasimuno at may alam sa paggiba sa kani-kanilang mga bodega. (Mer Layson)