3 Pinoy todas sa Texas shooting

Bunsod umano ng matinding selos kaya nagawang pagbabarilin at patayin ng isang Pinoy nurse ang kanyang misis at bisita sa ginanap sa "housewarming party" habang napatay din ng mga awtoridad ang suspek sa McAllen, Texas, USA kamakailan.

Sa naantalang ulat na nakarating kahapon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nabatid na ang mag-asawang napatay ay sina Arthur at Alma Ramirez habang hindi pa nababatid ang pangalan ng bisita na isa ring Pinoy.

Ayon sa report, ang insidente ay naganap noong Abril 30, 2006 ganap na alas-3 ng madaling araw sa loob ng bahay ng isa sa mga kaibigan ng pamilya Ramirez sa McAllen.

Sinasabing habang masayang ginaganap ang party ay nagselos si Arthur dahil may kausap na ibang lalaki ang kanyang misis.

Ayon sa testigong si Rosanna, galit na galit na umalis ng party si Arthur at bumalik ito pagkaraang ng ioang oras kung saan ay may dala na itong baril saka pinaputukan ang asawa at kausap nitong lalaki.

Dahil sa sunud-sunod na putok kaya agad na nagresponde ang Texas police at pagdating sa crime scene ay nagtangka pa umanong lumaban si Arthur sa mga awtoridad kaya ito binaril.

Nabatid na dead-on-the-spot si Alma habang si Arthur at binaril nitong bisita ay hindi na umabot ng buhay sa Texas Hospital.

Naiwan ng mag-asawang Ramirez ang kanilang 10-anyos na anak na babae.

Inaayos na ng DFA ang mga dokumento ng mga biktima para sa repatriation ng kanilang mga labi sa bansa. (Mer Layson)

Show comments