Ang kahilingan ni Sen. Estrada ay ginawa matapos na magsagawa ang US Senate Foreign Relations ng imbestigasyon sa sunud-sunod na pamamaslang ng mediamen.
Sa pangunguna ni Sen. Richard Lugar, hiniling din ng US Senate kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na gumawa ng paraan para matapos na ang paglikida sa mga mediamen.
Sinabi ni Estrada na dapat umpisahan na ng Senate Committee on Public Information na pinamumunuan ni Sen. Ramon Revilla Jr. ang pagdining nito.
Aniya, napapanahon na para umpisahan ito bilang tugon na rin ng Senado sa pagdaraos ng Press Freedom Week ngayong Linggo.
Nauna nang naghain ng panukala si Estrada na naglalayong magbigay proteksyon sa mga mamamahayag at magkaroon ng mga benepisyo sa kanilang pamilya.
Itinalaga ng Reporters Sans Frontiers (Reporters Without Borders) isang grupo ng mediamen na nakabase sa Paris, ang Pilipinas bilang ikalawa sa Iraq sa talaan ng pinakamapanganib na lugar para sa mga mediamen sa buong mundo.
Pitong mediamen ang namatay sa Pilipinas noong nakaraang taon, habang 24 naman at limang media assistants ang napaslang sa Iraq. (Rudy Andal)