Sinabi ni Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman na ang DAR ay nababahala na sa mga pagpaslang laluna ngayon na pinabibilis ng DAR ang distribusyon ng lupa na bahagi ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga probinsiya.
Hiningi ng DAR ang tulong ng pulisya sa pamamagitan ni PNP Regional Director Ricardo Quinto na agad siyasatin ang motibo sa pagpatay.
Ilan sa mga lider na pinaslang ay sina Rico Aldeva, lider ng Task Force Mapalad (TFM), Porferio Magsalang, chairman ng Pambansang Katipunan ng Makabayang Magbubukid (PRMM), na parehong pinatay ng mga hindi kilalang tao sa Negros Occidental. Isa pang lider, si Deogracias Erac, na pinatay noong Marso 23 sa Negros Oriental.
Si Cabanit, 54 taon, ay binaril ng isang di kilalang tao habang nasa loob ng isang palengke sa Poblacion kasama ang isang anak na babae. Namatay si Cabanit sa maraming tama ng bala samantalang ang anak na malubhang tinamaan ay dinala sa Tagum General Hospital.
Ayon kay Usec. for Field Operations Narciso Nieto na ilang oras bago patayin si Cabanit, siya kasama ang kanyang grupo, ay kumunsulta tungkol sa pagpapatupad ng repormang pansakahan sa Davao. (Angie dela Cruz)