Sinabi ni Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) Deputy Chief for Operations Sr. Supt. Prudencio Tom Bañas na sa pagtatapos ng buwan ng Abril ay 17 kaso ng kidnapping-for-ransom ang kanilang naitala.
Samantalang sa naunang report ni PACER Chief Deputy Director General Oscar Calderon, sa pagtatapos lamang ng buwan ng Marso ay 12 kaso ng kidnapping ang kanilang naitala.
Kasabay nito, inihayag ni Bañas na nababahala ang PACER sa bagong kidnapping modus operandi na tumatarget ng mga Indian nationals na sangkot sa negosyong 5-6.
"They are kidnapped and released on the same day, sometimes only for 60,000 pesos (ransom)," ayon sa opisyal.
Ayon kay Bañas, base sa intelligence report ay maraming mga negosyanteng Bombay ang nakikidnap at pinalalaya sa halagang mula P60,000 hanggang P200,000.
Aminado naman ang opisyal na ang pagtaas ng kidnapping ay bunsod ng masyadong abala ang puwersa ng pulisya sa banta ng destabilisasyon at anti-government street protests. "When there is chaos, the kidnappers take advantage of the situation," pahayag nito.
Sa tala, noong 2004 ay nakapagtala ang PACER ng 29 kaso ng kidnapping-for-ransom na siyang pinakamababa simula ng mamayagpag ang mga KFR gang sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Samantalang noong 2005 ay umaabot sa 50 ang kaso ng kidnapping na naitala ng mga awtoridad.
"We hope to bring the cases in 2006 down to the lowest level," kumpiyansang tinuran pa ng opisyal kaugnay ng puspusang kampanya laban sa mga KFR gang. (Joy Cantos)