Obispo, Guardians nag-Chacha na

Lumawig pa ang lumalaganap na suporta para sa Charter Change (ChaCha) matapos na ideklara ng Guardians International Inc. (GII) ang kanilang pagpanig sa isinasagawang People’s Initiative para sa pag-amyenda ng Saligang Batas.

Ayon kay Bishop Nilo Tayag, secretary general for information and education ng GII, pinili nilang maging pro-ChaCha sa dahilang may pananampalataya sila sa katalinuhan at karunungan ng sambayanang Pilipino bilang tagalikha ng kasaysayan ng bansa.

"Sa puntong ito, hindi na maaari pang pigilin ang ChaCha at ang pagpalit sa parliamentary system ng ating pamahalaan ay kabahagi nito na siyang magdadala sa atin sa magandang kinabukasan," pahayag ni Tayag.

Binubuo ng mga aktibo, retirado at dating miyembro ng pulisya at militar, ang deklarasyon ng GII ay nakapagbigay pa ng lakas ng loob para sa mga tagasulong ng People’s Initiative na inisyatibo ng ULAP at Sigaw ng Bayan movement.

"Kami’y lumabas na upang ipahayag ang tunay naming damdamin at hindi na magkamali ang lipunan sa tunay na layunin ng ChaCha," dagdag pa ni Tayag.

Si Tayag ay dating national chairman ng militanteng Kabataang Makabayan na siyang nagpasimula ng political activism noong kasagsagan ng rehimeng Marcos mahigit tatlong dekada na ang nakakalipas. (Ellen Fernando)

Show comments