Construction worker pinatay ng adik

Isang construction worker ang pinagtripang pagtulungang patayin sa saksak ng tatlong kalalakihan na hinihinalang addict sa droga kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Patay na nang idating sa Villamor Air Base Hospital ang biktimang si Alvin Seminiano, ng Villamor Air Base, Pasay City. Nagtamo ito ng ilang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kaagad namang nagsitakas ang mga suspect na kinilala lamang sa mga pangalang Arnel Andrade, alyas Balong Paa; Edsel Magdalo, alyas Toto; at John Michael, alyas Kirat.

Sa imbestigasyon ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi malapit sa bahay ng biktima, sa nabanggit na lugar.

Habang naglalakad ang biktima papauwi ng kanilang bahay at galing sa kanyang trabaho nang biglang harangin ng mga suspect na pinaniniwalaang mga bangag sa droga.

Kinompronta muna nila ang biktima bago pinagtulungang pagsasaksakin hanggang sa mapatay.

Sa kabila nito, may hinala rin ang pulisya na posibleng may atraso ang biktima sa mga suspect at maaaring pinagplanuhan talaga itong patayin. (Lordeth Bonilla)

Show comments