Inihayag kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alberto Romulo na nakumbinsi na ng gobyerno ang mga lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para muling mag-usap at repasuhin ang maraming isyu na ugat ng giyera at matagal ng hindi pagkakaunawaan.
Sinabi ni Romulo, unang tatalakayin ng mga negotiator ng magkabilang panig ang sigalot hinggil sa ancestral domain na isasagawa sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Anang kalihim, noong mga nakalipas na panahon at administration ay palagi na lamang nauudlot ang usapin ng peace process ng magkabilang panig dahil na rin sa mga roadlocks mula sa hanay ng GRP at MILF.
Sa ngayon ay naniniwala si Sec. Romulo na maitutuloy at magkaroon na ng sinserong pag-uusap ang panig ng pamahalaan at Muslim rebels dahil na rin sa direktang pakikialam ni Pangulong Arroyo.
Aniya, bukod sa ancestral domain at isyu ng boundaries and territories in the south ay ilalatag din sa pag-uusap ang pagbibigay ng sapat na revenues sharing na nalilikom ng gobyerno.
Inihayag pa ni Romulo na nakikita na niya ang magandang kalalabasan ng pag-uusap matapos silang personal na magkita at nag-usap ni Malaysian Foreign Minister Syed Hamid Albar kamakailan.
Base sa rekord ng DFA, ang giyera sa pagitan ng mga sundalo ng pamahalaan at hukbo ng MILF ay may 40-taon ng nagaganap at umaabot na sa 120,000 katao ang namamatay.
"Nakakalungkot isipin, sa tuwing nagkakatagpo ng landas ang grupo ng AFP at MILF sa area ng Mindanao ay nagpapatayan. Pinoy laban sa kapwa Pinoy na narapat ng wakasan" ani Romulo. (Mer Layson)