Kahapon ay naka-heightened alert na ang buong puwersa ng pulisya at militar.
Tiniyak ni Press Secretary Ignacio Bunye na kontrolado ng AFP at PNP ang sitwasyon subalit hindi rin maiaalis ang pangamba na baka samantalahin ng ilang grupo ang okasyon at magkaroon ng panibagong Malacañang siege tulad nang nangyari noong Mayo 1, 2001.
Dahil dito kaya umapela ang Palasyo sa mga magdaraos ng rali na limitahan ang gaganapin nilang mga aktibidad at tiyaking hindi mapapasok ng ibang elemento ang hanay ng manggagawa sa pamamagitan ng pagmamatyag sa mga miyembro ng organisasyon.
Ayaw namang kumpirmahin ni Bunye ang impormasyon na umanoy nasa Metro Manila na ang mga rebeldeng komunista para guluhin ang Labor Day.
Kamakalawa ay isang intelligence report ang nabunyag hinggil sa planong patalsikin si Pangulong Arroyo pagsapit ng Mayo 1.
Tinawag na "Oplan Manggagawa", hawak na umano ng Malacañang ang dokumento kung saan nakadetalye ang planong gamitin ang Araw ng Paggawa para pabagsakin ang gobyernong Arroyo.
Ayon sa report, magsasama-sama ang mga militanteng magra-rally sa paggunita sa Labor Day at magbi-vigil hanggang sa magbitiw si Pangulong Arroyo.
Susugod din umano ang mga militante sa Camp Crame at Camp Aguinaldo para pilitin ang AFP chief at PNP chief na bumaligtad na.
Nilinaw naman ni PNP Spokesman Sr. Supt. Samuel Pagdilao na ang PNP ay nananatiling nasa likod ng commander-in-chief at palagiang sumusunod sa chain of command.