Ayon kay Petron spokesperson Virginia Ruivivar, posibleng umabot sa P4 kada litro ang itataas ng kanilang produktong petrolyo dahil kailangan na nila umanong mag-adjust ng presyo dahil sa paglobo ng presyo nito sa world market.
Bukod dito ay nagbabala rin ang mga kompanya ng langis sa posibleng pagtataas ng P1.78 kada kilo sa produktong LPG o kabuuang P19.58 para sa 11kg na tangke ngayong pagpasok ng Mayo.
Sinabi naman ni Energy Secretary Rafael Lotilla na kailangang maging handa ang bansa sa pagharap sa problemang ito dahil hindi umano ito mapipigil.
"It is a worldwide reality that the prices are up," saad ni Lotilla.
Sa panig ng DOE, wala silang karapatang magpahayag ng magiging halaga ng langis dahil mayroon silang sariling computation nito at hindi maaaring maging benchmark ng mga oil suppliers.
Sa benchmark ng Dubai oil, umabot sa $4 ang itinaas nito mula sa dating $63.87 noong Marso na ngayon ay umaabot na sa $67.87/bariles.
Patuloy naman ang P1 discount na ibinibigay ng mga kumpanya ng langis sa mga tsuper ng bus at dyip.
Samantala, nanawagan na kahapon kay Pangulong Arroyo si Zamboanga del Norte Rep. Roseller Barinaga na suportahan ang pagpasa ng P125 legislated wage increase bilang regalo sa mga manggagawa ngayong darating na Labor Day.
Sinabi ni Barinaga na tumitindi na ang pangangailangan na maipasa ang nasabing panukalang batas dahil sa nakaambang sunud-sunod na oil price hike at LPG.
"We in Congress urge the President to fully support the granting of the P125 wage increase and this should be her gift to the Filipino workers as they celebrate Labor Day next week," ani Barinaga. (Edwin Balasa/Malou Escudero)