Ayon kay Makati Regional Trial Court Branch 173 Judge Benjamin Pozon, mananatiling "principal suspects" sa Subic rape case sina Lance Corporals Dominic Duplantis, Chad Carpienter at Keith Silkwood kasama si Daniel Smith.
Sinabi ni Pozon na hindi niya papayagan na maibaba ang kaso ng tatlo dahil wala pa namang ebidensiya na naipiprisinta sa korte.
Ikinatwiran ng hukom na maaaring makaapekto sa Judicial independence ang pinalabas na resolution ni Gonzalez.
Sa resolution ni Gonzalez, wala siyang nakitang sabwatan sa umanoy panggagahasa sa 22-anyos na biktima, kaya si Smith lamang anya ang dapat maging principal suspect at accessories ang tatlo.
Hindi pumabor si Gonzalez sa naging desisyon ni Pozon dahil sa ilalim umano ng batas ay binibigyan siya ng kapangyarihan na muling pag-aralan ang naunang desisyon ng piskalya sa isang kaso.
Aniya, hindi tumutok si Pozon sa merito ng kanyang resolution kundi sa teknikalidad lamang. Binanggit pa ng kalihim na maaari umano itong makapagpatagal sa kaso dahil sa posibilidad na umakyat sa Court of Appeals (CA) ang tatlong US Marines.
Bagamat dumalo sa arraignment ang mga akusado, nananatiling tikom ang bibig ng mga ito kaya si Pozon ang naghain ng "not guilty" plea para sa apat na sundalo.