Jueteng sa P’sinan ratsada

Pinaiimbestigahan ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. sa Senate committee on public order and illegal drugs ang umano’y pamamayagpag ng jueteng sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Sen. Pimentel, may testigo siyang nakuha na nakahandang magsiwalat ng paglaganap muli ng jueteng operations at ang mga taong nakikinabang sa illegal numbers game na ito.

Nabatid na muling namayagpag ang jueteng operations sa lalawigan mismo nina House Speaker Jose de Venecia, PNP chief Arturo Lomibao at Bishop Oscar Cruz sa Pangasinan sa kabila ng all-out war ng Arroyo government laban sa ilegal na sugal.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source, ang nagsisilbi umanong dummy ng jueteng operations ay nakilalang Sibong Cayabyab alyas Bong C. ng Dagupan City, Beo Jimenez ng Lingayen at Boy Bata ng Bugallon.

Manager o nagbibigay naman ng jueteng protection money sina Pidong Ocampo ng Mangaldan na nagpapakilalang pinsan umano ni PNP chief Lomibao at sina Lito Manora at Benjie Torio na umano’y mga aide daw ni Lomibao.

Nagwawalang-kibo naman si PNP region 1 director Chief Supt. Alfredo de Vera sa biglang pagsulpot muli ng jueteng operations na nagsimula nitong Abril 24. (Rudy Andal)

Show comments