Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, sa implementasyon ng 4-day work week noong nakaraang taon ay nakatipid ang gobyerno ng P150 milyon sa konsumo ng enerhiya, bukod pa sa nagdulot din ito ng pampasigla sa lokal na turismo nang hindi naman nasakripisyo ang paglilingkod pampubliko.
Sinabi ni Bunye na ang pagtitipid at pagbabawas sa konsumo sa enerhiya ay muling nabigyang diin sa panahong ito na patuloy na tumataas ang presyo ng krudo sa world market.
Ilan pa sa alternatibong hakbang para makatipid sa langis ang pagpapatupad ng daylight saving time, pagbabawas ng araw ng trabaho para sa mga empleyado ng gobyerno, pagpapasada ng mga bus na gumagamit ng compressed natural gas, paggamit ng taxi at jeepney na pinatatakbo ng LPG at pagkakaroon ng takdang oras sa pagpapasada ng mga bus. (Lilia Tolentino)