Jinggoy walang maipakitang ebidensiya vs FG Arroyo

Sa ikalawang sunod na pagkakataon, nabigong maghain ng ebidensiya si Sen. Jinggoy Estrada hinggil sa kanyang akusasyon na may koneksiyon ang mga bigtime smuggler kay First Gentleman Mike Arroyo o sa tanggapan ng Unang Ginoo.

Sa pagpapatuloy ng preliminary investigation ng kasong libelo na isinampa ni Ginoong Arroyo laban kay Estrada sa Pasay City Prosecutor’s Office, muling humingi ng palugit ang senador para maghain ng kaniyang counter-affidavit.

Inihayag ng abogado ni Ginoong Arroyo na si Melanie Trinidad na kung hindi na naman sasagot si Estrada sa susunod na preliminary investigation ng kaso, hihilingin na nila sa piskalya na desisyunan na ito.

"Lumilinaw ng lumilinaw na walang ibang balak si Sen. Estrada kundi sirain ang reputasyon ni Ginoong Arroyo nang ihayag ng senador sa media na may koneksiyon ang mga diumano’y big-time smugglers sa Unang Ginoo.

"Dahil kung hindi, walang dapat maging problema ang senador sa pagsagot sa aming demanda," ayon kay Trinidad.

Show comments