Ang Serbisyo Muna Caravan ay isang buong-araw na paglilingkod ng mga pangunahing ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at mga partisipante buhat sa ibat ibang sektor.
Kasama ng Pangulo sa Caravan sina PAGCOR Chairman Efraim Genuino, ang overall project coordinator ng Serbisyo Muna; QC Mayor Sonny Belmonte, Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar; PNP-NCRPO Director Gen. Vidal Querol at Berna Romulo-Puyat, pinuno ng Office for Political and Coalition Affairs.
Pinangunahan ng Pangulo ang pagkakaloob ng mga lisensiya sa 21 barangay ng lungsod para makapagbukas ng Botika ng Barangay outlets at makapangasiwa ng mga sangay ng Tindahan Natin.
Dalawang daang benepisyaryo naman ang nabigyan ng mga libreng salamin sa mata at isang bagong mobile patrol unit ang inihandog sa kapulisan ng lungsod.
Namahagi rin ng 1,000 Philhealth cards, SSS Online at NBI-on-wheels services, mga kasanayan at libreng paglilingkod hatid ng TESDA at TLRC..
Kumpiyansa naman si Chairman Genuino sa patuloy na tagumpay ng programa ng Pangulo. (Lilia Tolentino)