Sa 2-pahinang desisyon, pinayagan ng anti-graft court si Estrada na makadalo sa misa para sa kanyang ika-69 na kaarawan bukas na gaganapin sa St. Peters church sa Commonwealth Ave., Quezon City.
"Considering that the instant motion is not opposed by both the prosecution and the Philippine National Police (PNP), the court hereby grants the said motion," nakasaad pa sa desisyon ng korte.
Ipinag-utos pa ng hukuman na agad bumalik sa Sandiganbayan si Erap matapos ang misa para ipagpatuloy ang kanyang testimonya sa korte kaugnay ng kanyang plunder case.
Inatasan naman ng korte ang PNP na makipag-coordinate kay Sandiganbayan chief sheriff Ed Urieta para sa ibibigay na seguridad kay Erap sa pagsisimba nito.
Magugunita na may 2 linggo na ang nakakaraan ng payagan din ng korte si Erap na magsimba sa St. Peters church bago ito dumalo sa pagdinig ng kanyang kaso. (Malou Escudero)