Ayon kay Teresita Ang See, presidente ng Citizens Action Against Crime (CAAC) Movement for Restoration of Peace and Order, na-shock ang kanilang grupo sa idineklarang "commutation" ng death sentence ni Pangulong Arroyo bilang pagpapatawad sa lahat ng mga convicts na nasa death row sa bansa.
Sinabi ni Ang See na dahil sa desisyong ito ng Pangulo ay hindi na matatakot ang mga kriminal na gumawa ng kasamaan dahil malilibre na sila sa bitay.
Ang pagpapatawad sa mga pusakal na kriminal na umaabot sa 1,280 at nasa "death row" ay inihayag ng Pangulo sa kanyang Easter Sunday message sa sambayanang Pilipino kahapon kung saan sa halip na kamatayan ay habambuhay na pagkabilanggo na lamang ang ipaparusa sa mga ito.
"We victims of kidnap-for-ransom gangs are dismayed, shocked and saddened by President Arroyos announcement commuting all death penalty sentences to life imprisonment," ani See.
Ayon pa kay Ang See, sa kaso na lang ng 23 KFR death convicts na ang mga biktima ay Fil-Chinese ay hindi mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng kanilang mga biktima.
"While the President gave hardened criminals a reprieve as political gesture this Easter Sunday, she has not given any consideration at all to victims of terrorism, kidnapping, murder, carjacking, drug pushing and other heinous crimes," dagdag pa ni Ang See.
Kinondena rin ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairman Dante Jimenez ang desisyon ng Pangulo dahil higit na mamamayagpag ang mga pusakal na kriminal na gumagawa ng karumal-dumal na krimen dahil kahit na mahuli at maaresto sila ng mga awtoridad ay wala na ang kinatatakutan nilang parusang bitay.
Samantala, ikinatuwa naman ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ang naging desisyon ni Pangulong Arroyo na ibaba sa life sentence ang parusa ng nasa death row subalit nanawagan ito na dapat ay tuluyang alisin na ang Death Penalty Law.
Aniya, tao rin naman ang ating mga hukom na puwedeng magkamali sa kanilang desisyon lalo na ang mga hinatulan nito ng parusang kamatayan sa akusasyong nakagawa sila ng karumal-dumal na krimen.
Wika pa ni Pimentel, maraming menor-de-edad din ang nahatulan ng parusang kamatayan at kung hindi natin ibabasura ang parusang ito ay mawawalan na ng pagkakataon ang mga ito na magbago upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan sa sandaling makabalik sila sa ating lipunan.
Iginiit pa ng mambabatas, ang maraming bansa partikular sa Europa ang ibinasura na ang death penalty law kaya makakabuti kung susunod na tayo sa mga bansang ito upang tuluyang ibasura ang parusang kamatayan. (Joy Cantos At Rudy Andal)