Ayon kay Presidential Chief of Staff Mike Defensor, walang ebidensiyang nakita ang Mayuga report na nag-uugnay kina Army Chief Gen. Hermogenes Esperon, Southcom Chief Maj. Gen. Gabriel Habacon, retired Lt. Gen. Roy Kyamko at ret. Brig. Gen. Francisco Gudani sa sinasabing dayaan.
Ang pahayag ay kasunod ng utos ni Pangulong Arroyo na isapubliko na ang Mayuga report upang malinawan ang isyu na nakapagbibigay ng batik sa imahe ng AFP at gayundin sa administrasyon.
Ang imbestigasyon ay ginawa ng Inspector Generals Office na pinamumunuan ni Navy Rear Admiral Mateo Mayuga.
Pero sinabi ni Defensor na mayroong ebidensiyang nakita laban sa tatlong military official.
Tumanggi si Defensor na banggitin ang pangalan ng tatlo at sinabing ang kabuuang report sa isinumiteng Mayuga report ay ihahayag ng AFP.
Nakapaloob din sa report ang rekomendasyon na hindi na dapat na bigyan ng papel sa halalan ang mga sundalo para maiiwas sa pulitika ang Sandatahang Lakas.
Samantala, tututukan ng Senadao ang Mayuga report sa pagbabalik nila sa Mayo para malaman kung ano talaga ang naging partisipasyon ng mga sundalo noong nakaraang taon sa kabila na rin ng pahayag ng Palasyo na walang kinalaman ang militar noong nakaraang halalan.