Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, hindi na kailangang magpaliwanag pa ng DFA dahil nakuha ni Garcillano ang kanyang passport noong nagbitiw na ito sa puwesto sa Comelec.
Ipinauubaya na lamang ng Palasyo sa limang komite ng House of Representatives ang pagsisiyasat kung peke o hindi ang passport.
Ayon naman kay DFA spokesman Gilbert Asuque, ang DFA lamang ang naglalagay ng mga larawan sa mga passport at nagpi-fill up ng iba pang impormasyon tulad nang pangalan ng may-ari ng pasaporte at lugar ng kapanganakan nito.
Kamakalawa ay sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Banknotes and Securities Printing Department na ang unang pasaporte ni Garcillano na may bilang BB60533 ay nagko-conform sa standard habang ang ikalawa na may number code JJ243816 ay hindi.
Pinuna rin ng BSP ang kaibahan ng dalawang pasaporte sa sukat nito, uri ng papel na ginamit, stitching at print quality.
Samantala, sinabi ni Sen. Serge Osmeña na bukod sa pinekeng passport, may hawak na flight manifesto si Rep. Gilbert Remulla kung saan kumpirmado na galing South Africa si Garcillano bago pumunta ng Singapore taliwas sa pahayag ng dating opisyal na hindi siya lumabas ng bansa noong siyay nagtatago. (Lilia Tolentino/Rudy Andal/Mer Layson)