Ayon sa nakalap na intelligence report ng AFP, nasilat ang paglulunsad ng Oplan Hackle sa PMA Alumni Homecoming noong Pebrero 18 kaya sa graduation rites umano ito isasagawa.
Ang Oplan Hackle ang destabilization roadmap ng nag-alyansang left and right wing forces na may layuning ibagsak ang gobyernong Arroyo.
Dahil dito, 1,000 tropa mula sa elite Special Forces Regiment at US-trained Light Reaction Company ang ipapakalat upang tumulong sa puwersa ng militar at pulisya sa pangangalaga ng seguridad sa gaganaping pagtatapos ng PMA Class Mandala 2006 sa Fort del Pilar, Baguio City.
Lahat ng mga pangunahing daan patungo sa PMA parade grounds sa Borromeo field ay isasara. Nabatid pa sa intelligence report na ang bomb plot ay kahalintulad ng naganap noong Marso 18, 1987 nang magkaroon ng pagsabog sa loob ng Fort del Pilar habang nagtatalumpati si dating Pangulong Cory Aquino na kumitil ng buhay ng tatlong sundalo at isang babae habang 47 pa ang nasugatan.
Kabilang sa mga matataas na opisyal ng AFP na dadalo sa okasyon sina AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga, Army Chief Lt. Gen. Hermogenes Esperon Jr., Air Force Chief Lt. Gen. Jose Reyes, Navy Chief Vice Admiral Mateo Mayuga at PMA Superintendent Brig. Gen. Leopoldo Maligalig.