Sinabi ni Mr. Forting Yabud, national president ng Masa Bansa, hindi dapat masira ang layuning maisulong ang reporma sa gobyerno dahil lamang sa pagtanggi ng Senado na suportahan ang Cha-Cha sa pamamagitan ng Con-Ass.
"Hindi dapat na nasa isang tabi lamang ang masa habang ang mga senador natin ay patuloy na inaantala ang kaunlaran ng ating ekonomiya dahil sa kanilang nakakainis na pulitikal na mga interes at ambisyon," wika ni Yabud.
Iginiit naman ni Iloilo City Mayor Jerry Trenas, pangulo ng League of Cities of the Philippines, mangunguna ang mga lokal na opisyal sa lalawigan ng Iloilo upang isulong ang Cha-Cha sa pamamagitan ng peoples initiative.
Ayon naman kay Efren de Luna, pangulo ng PCDO-ACTO, maituturing na patay na ang daan para sa Con-Ass habang sobrang magastos naman ang Con-Con kaya ang nalalabing option ng taumbayan para amyendahan ang 1987 Constitution ay Peoples Initiative.
Sinabi naman ni Carlo Masanjo, chairman ng Youth for Peace and Development na ginagarantiyahan sa ilalim ng Konstitusyon ang karapatan ng taumbayan sakaling mabigo ang Kongreso na maisulong ang pag-amyenda sa ating Saligang Batas. (Rudy Andal)