"These are trumped-up charges, a frame-up," ani Estrada. Ito ang unang pagkakataong naupo si Estrada sa witness stand upang tumestigo sa kanyang kasong pandarambong.
Sa kanyang testimonya sa pagharap sa Sandiganbayan Special Division, sinabi ni Estrada na hindi niya makakayang magnakaw mula sa pondo ng mga magsasaka. Anya, tumakbo siya sa pagka-pangulo para tulungan ang mahihirap hindi para pagnakawan ang mga ito.
Sinabi ni Estrada na mula nang maupo siyang mayor, senator, vice president ay hindi nakaladkad ang kanyang pangalan sa mga anomalya lalo na anya ng maupo siyang presidente ng bansa.
"Since I was mayor, senator, vice president, my name was never dragged into any anomaly, accepting percentage from any government transactions, what more when I became President," ani Estrada sa unang sigwa ng kanyang pagtestigo.
Itinanggi rin ni Estrada na malapit niyang kaibigan si Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson at magkasangga lamang sila sa pulitika.
Anya, nag-iisa lamang ang kanyang best friend at ito ay ang namayapang aktor na si Fernando Poe, Jr. Bagsak anya si Singson sa mga katangiang hinahanap niya sa isang kaibigan ang pagiging tapat at mapagkakatiwalaan.
Bagaman inamin ni Estrada na kaibigan niya si Atong Ang, pinagsabihan niya ang huli na dumistansiya sa kanya dahil sa kanyang masamang reputasyon.
Dumating sa Sandiganbayan si Estrada dakong alas-8:30 ng umaga na nakasuot ng Barong Tagalog. Kasamang dumating ng dating pangulo ang asawang si Sen. Loi Ejercito, mga anak na sina Sen. Jinggoy Estrada, San Juan Mayor JV Ejercito, Jude Estrada at Jackie kasama ang asawa nitong si Beaver Lopez.
Maliban pa kay Atty. Jose Flaminiano, kabilang din sa dumating para sa depensa sina dating senator Rene Saguisag, Raymund Fortun, retired Chief Justice Andres Narvasa at dating SC Associate Justice Serafin Cuevas.
Ang kasong plunder ay isang non-bailable offense at may parusang kamatayan.
Kabilang sa mga akusasyon kay Estrada ang pagkamal umano ng bilyong piso mula sa jueteng, tax kickbacks at pagtanggap ng komisyon na itinago umano sa mga secret bank accounts sa ilalim Nahaharap din ito sa minor charge na perjury o pagsisinungaling dahil sa hindi tamang pagre-report ng kanyang assets noong 1999.
Dumalo rin sa hearing si Singson na nagsangkot kay Erap sa jueteng at kickbak sa tobacco excise tax. Ani Singson, hindi kaya ni Erap na gibain ang kanyang kredibilidad.
"I am 100 percent sure he will lie. But he is an actor. He can very well fake it," ani Singson.
Muling haharap sa korte si Estrada sa susunod na Miyerkules. Siya ang pang-79 at huling testigo.
Tinatayang nasa 1,000 pulis ang ipinakalat para magbantay sa Sandiganbayan kabilang na ang mga miyembro ng elite Special Action Force at SWAT.
Mistulang kinabahan sa ginanap na Erap trial ang Manila Police District (MPD) matapos na magtaas ng "heighened alert" at bantayan ang mga lugar na balwarte ng oposisyon sa pangamba na mahakot ang mga residente rito sa mga kilos-protesta.
Siniguro ng MPD na hindi makapaghahakot ng mga tao ang Erap supporters upang dalhin sa Sandiganbayan matapos tutukan ang mga lugar ng Baseco compound sa Port Area; Parola compound at Isla Puting Bato na pawang sa Tondo. (Malou Escudero, at may ulat ni Doris Franche at Danilo Garcia)