Ayon kay Sen. Revilla, malinaw na lumalabag sa batas ang mga Bumbay, partikular na sa Retail Trade Liberalization Act, kung saan nagbabawal sa mga foreign national na magsagawa ng transaksyon sa ating bansa lalo na sa "small scale businesses".
"It is very annoying for the BID to candidly say that they cannot find these illegal lenders. Just stand in one corner of the street, and in no time at all, you will see these motorcycle riding lenders collecting payments" paliwanag ni Revilla.
Aniya, hindi maitatago na nakakatulong ang mga ito sa mga maliliit na negosyante dahil mabilis na makakuha sa kanila ng pera pero ang hindi naiisip ng ating mga kababayan ay sobrang mahal ng tubo nito.
Sinabi pa nito na hindi dapat naging talamak ang negosyo ng 5-6 sa bansa kung nagiging mahigpit ang mga tauhan ng BID sa pagpapatupad ng batas at malaki din ang posibilidad na mga ilegal na mangangalakal ang mga Bumbay.
Nanawagan din si Revilla na maging maluwag ang gobyerno at mga bangko sa pagpapatupad ng kanilang mga "micro-financing programs" dahil sa sobrang mga papeles na kailangan nito ay tinatamad na ang mga maliliit na negosyante para mangutang sa halip sa Bumbay na lang. (Rudy Andal)