Estudyante welga

Nagbanta ang mga estudyante na lalabas sa kalye kung ipipilit ang pagtataas ng matrikula sa darating na school year sa Hunyo.

Sa pahayag ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) at College Editors Guild of the Philippines (CEGP), hindi na makagulapay ang mga magulang sa pagpapaaral sa kanilang mga anak dahil sa taas ng matrikula at marami na rin ang tumigil sa pagpasok.

Kung ipapatupad anila ang 100 prsiyentong taas sa matrikula at miscellaneous fees ay saan na sila patungo?

Dahil dito kaya humihingi na ng tulong sa Kongreso ang libu-libong estudyante na kumilos para pigilan ang inilabas na Memorandum No. 14 ng Commission on Higher Education (CHED).

Ayon kay NUSP Secretary General Alvin Peters, sa halip na protektahan ang mga estudyante at i-regulate ng CHED ang tuition fees at iba pang bayarin sa mga pamantasan, binigyan pa umano nito ang mga school owners ng kapangyarihan na magtaas ng singil sa tuition ng hindi kinukunsulta ang mga mag-aaral.

Kung hindi naman magtataas ng tuition ang ibang pamantasan ay tiyak anyang babawiin ito sa mga hindi makatarungang miscellaneous fees, dagdag pa ni Peters.

"With the worsening economic condition, new taxes and stagnant wage levels, a tuition hike moratorium will help lessen the burden of indebted Filipino families," pahayag naman ni Kabataan Party vice president Carl Marc Ramota.

Hiniling ni Ramota na magkaroon muna ng tuition hike moratorium habang nire-review ang CHED memo at imbestigahan ang mga paglabag ng mga private education institutions.

Show comments