Napag-alamang matapos na mamatay ang biktimang si Leonardo Umale, 62, sa Medical City ay lumabas ang asawa nitong si Clarissa at naghi-hysterical na sumigaw sa mga reporter na nasa labas ng emergency room at sinabing "tanungin niyo si Chavit kung sino ang pumatay sa asawa ko!" na tatlong beses nitong inulit bago napigilan ng mga kaanak at mabilis na ipinasok sa loob ng kuwarto.
Matatandaan noong Enero 2005 ay nagkaroon ng awayan ang pamilya Umale at pamilya Ynares kung sino ang magmamay-ari ng pinauupahang parking lot sa kahabaan ng Pearl Drive na nauwi sa alitan. Ang mga Umale at Ynares ay may gusali sa kahabaan ng lugar samantala ang Superb Security Agency naman na inuupahan ng mga Ynares ay si Chavit ang may-ari.
Bukod dito, mayroon pa umanong away ang mga Umale at Chavit sa isang strip mall sa Ortigas kung saan may kaso ito sa Pasig Regional Trial Court.
Samantala, inilabas na ng pulisya ang cartographic sketch ng tatlo sa apat na suspek na bumaril kay Umale habang paakyat ito sa kanyang opisina dakong 11:45 ng umaga na naging sanhi ng kamatayan nito.
Sa nauna nang pahayag, sinabi ni Singson na wala siyang kinalaman sa pagkakapatay kay Umale. Anya, mas kaibigan siya ng biktima kaysa kaaway dahil hinihingian umano siya nito ng tulong sa mga kasong kinakaharap nito. (Edwin Balasa)