Sinabi ni Sen. Lacson, kaklase ni Sen. Honasan sa Philippine Military Academy (PMA) Class 71, mas makakabuting magtago na lamang si Honasan at huwag susuko matapos maglunsad ng manhunt ang gobyerno laban sa kanya matapos kasuhan ng sedition at rebelyon kaugnay sa Oakwood mutiny ng Magdalo soldiers at tangkang kudeta nitong Pebrero 24.
Ayon kay Lacson, pilit lamang binubuhay ang mga lumang kaso ng mga kritiko ni Pangulong Arroyo bilang porma ng panggigipit ng gobyerno lalo na ng ideklara nito ang State of National Emergency sa pamamagitan ng Proclamation 1017.
Wika naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, dapat ay magkaroon ng matibay na ebidensiya at testigo ang gobyerno kaugnay sa isinampang kaso laban kay Honasan sa korte.
Iginiit naman ni Sen. Rodolfo Biazon na tatayo siyang testigo ni Honasan upang patunayan sa korte na wala itong kinalaman sa naganap na Oakwood mutiny. (Rudy Andal)