Ayon kay PNP spokesman Sr. Supt. Samuel Pagdilao, sa susunod na mga araw ay ipapaskil ng PNP ang mga poster ni Honasan sa mga pampublikong lugar upang mapabilis ang pag-aresto sa dating senador na itinuturing na ngayong wanted sa batas.
Sinabi ni Pagdilao na partikular nilang uunahing ipakalat ang mukha ni Honasan sa MRT at LRT stations, palengke, park, bus terminals, daungan at paliparan.
Kasabay nito, inihayag ng Philippine National Police (PNP) na P5 milyon ang halagang napagkasunduang ibigay na pabuya sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ni Honasan.
Nauna nang inihayag ni DOJ Sec. Raul Gonzalez na P5 hanggang P10 milyong halaga ang maaaring ibigay ng gobyerno.
Kasama ni Honasan sa mga nilagyan ng reward sa ulo ang mga umanoy dawit sa bigong kudeta na sina Felix Turingan na may patong sa ulo na P1 milyon; Virgilio Padilla Briones, P.5-M; Romeo Lazo, P.5M; Ernesto Macahiya, P.5-M; George Duldulao, P250,000 at Lina Reyes, P250,000.
Si Honasan kasama ang may 50 pang personalidad ay kinasuhan ng kudeta kaugnay ng pamumuno sa Oakwood mutiny ng Magdalo noong Hulyo 27, 2003, inciting to sedition at rebelyon kaugnay naman ng nasilat na coup plot laban sa gobyernong Arroyo noong Pebrero 24.
Ayon kay Pagdilao, itinuring nang wanted sa batas si Honasan at kamakalawa ay pinakilos na ng AFP ang tracking teams nito matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang korte laban sa dating senador.