Jinggoy tinuluyan ni FG

Sinampahan kahapon ng kasong libelo ni First Gentleman Mike Arroyo si Senador Jinggoy Estrada matapos nitong idawit ang pangalan ng una sa mga hinihinalang big-time smugglers sa bansa.

Isinampa ang kaso sa piskalya ng Pasay kung saan humingi si Arroyo ng P10 milyong danyos.

Nag-ugat ang kaso matapos idawit ni Estrada ang Unang Ginoo habang nagpapa-interview ito sa media sa hinihinalang mga big time smuggler tulad ni Sammy Lee.

Matatandaan na si Lee ay iniuugnay kay Vicky Toh na sinasabing may relasyon umano kay Mr. Arroyo. Si Lee ay inaresto ng CIDG kamakailan ngunit nakalaya matapos magpiyansa.

Ayon sa abogado ng First Gent na si Atty. Melanie Trinidad, malisyoso at isang paninirang puri ang mga binitawang salita ni Estrada. (Lordeth Bonilla)

Show comments