Sa 9-pahinang salaysay ng testigong si Jaime Beltran Fuentes, nagpakilalang chief security officer ni Vicente Ladlad na miyembro ng Central Committee ng CPP-NPA, nakasama niya si Ladlad at isang Randal Echaniz dati umanong kalihim ng CPP-NPA sa ibat-ibang pagpupulong ng kilusan na lihim na idinadaos sa Bayan National Office, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) office at Bayan Muna National Office na pawang matatagpuan sa Quezon City.
Sinabi ni Fuentes na Enero hanggang Pebrero 2006 idinaos ang mga nasabing pagpupulong kung saan pinag-uusapan aniya ang pagpapabagsak sa administrasyon.
Nasaksihan din umano niya ang pakikipagpulong ni Ladlad sa mga kilalang miyembro ng "Black and White Movement" kung saan nakita niya umanong dumalo si Soliman at isang Vicky Veles.
Nakita din umano niyang dumadalo sa pagpupulong sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, Teddy Casino, Anakpawis Rep. Rafael Mariano at Crispin Beltran, Gabriela Rep. Liza Maza, at ilan pang opisyal ng mga militanteng grupo.
Si Ladlad ay kabilang sa mahigit 50 personalidad na kinasuhan ng rebelyon sa DOJ kasama rin sina CPP-NPA Founding Chairman Jose Maria Sison, Gregorio "Ka Roger" Rosal, dating Sen. Gringo Honasan, ilang miyembro ng Magdalo at ilan pang makakaliwang grupo. (Grace dela Cruz)