Matagal ng alam ni PGMA ang problema ng sundalo — Pimentel

Hindi na kailangan pa ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na makipag-dayalogo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular na ang mga Junior military officials dahil batid naman niya ang problema ng mga ito.

Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., ang dayalogo ay isang "pa pogi points" lang ng Pangulo dahil wala naman itong magiging katiyakan para maresolba at masagot ang mga katanungan ng mga AFP junior officers.

Aniya, alam na ni Pang. Arroyo kung ano ang nasa kalooban ng mga sundalo at huwag na siyang magpanggap na wala siyang alam dahil batid niya na ito umpisa pa lang ng pumutok na ang tinatawag na kaguluhan sa loob ng AFP.

Sinabi pa ni Sen. Pimentel na sa halip na magkaroon ng pag-uusap, ang dapat na gawin ni Pang. Arroyo ay isa-publiko na ang naging resulta ng imbestigasyon na ginawa ni AFP Inspector General at ngayon ay Navy Flag Officer Gen. Mateo Mayuga hinggil sa kontrobersya na bumabalot sa Hello Garci tape.

Naniniwala ang mambabatas na ang Hello Garci tape kung saan pinangalanan ang ilang matataas na opisyal ng militar ang siyang naging ugat ng kaguluhan o agam-agam sa hanay ng AFP.

Idinagdag pa ng senador na karapatan ng taumbayan at publiko na malaman ang katotohanan sa Hello Garci tape, pero sa halip na ilantad ito ay hinadlangan pa ito ni Pang. Arroyo.

Nauna rito, pinayuhan na rin ni Vice President Noli de Castro si Pang. Arroyo na ihayag na ang Hello Garci tape, dahil naniniwala siya na isa ito sa dahilan ng pagkawatak-watak ng militar.

Aniya, nasa taumbayan ang paghuhusga sakaling ihayag na ni Pang. Arroyo ang naging papel niya sa Hello Garci tape. (Rudy Andal)

Show comments