Ayon kay Presidential Chief of Staff Michael Defensor, ang video tape interview ang maituturing na mahalagang bahagi laban sa mga sangkot sa nabigong kudeta.
Sinabi ni Defensor na base sa pakikipagpulong niya kay Justice Secretary Raul Gonzalez, malaki ang kanilang tiwala na malakas ang ebidensiya at kayang ipanalo ang kaso laban sa mga nagtangkang umagaw ng pamahalaan.
Bukod kay Lim, 25 opisyal at enlisted personnel ng militar ang inaresto at sumasailalim sa imbestigasyon sa hinalang sangkot sa nabigong kudeta noong Pebrero 24.
Pinabulaanan na ng ABC-5 sa pamamagitan ng news anchor na si John Susi na mayroon silang naka-tape na interview kay Lim.
Ayon kay Defensor, sa sandaling magkaroon ng pormal na kahilingan ito ang magsisilbing dahilan para sa Channel 5 para ilabas ang video tape.
Sinabi ni Defensor na nakuha nila ang impormasyon noong gabi ng Huwebes, Pebrero 23, na mayroong naka-tape na interview ang Channel 5 kay Lim.
Mabilis aniya silang umaksiyon pero wala silang nakuhang kopya dahil maaaring mayroon nang nakatalagang kumuha agad ng kopya nito sa istasyon.
Sa kanilang impormasyon, ang interview ay nakatakda umanong ipalabas sa kasagsagan ng rally noong Pebrero 25 kasabay ng paglabas ng mga sundalong tumitiwalag na sa gobyerno. (LATolentino)