Dinampot sina Baraquel at kasamahan nito matapos iutos umano ni QCPD director chief Supt. Nicasio Radovan na i-disperse ang mga ito dahil walang permit. Dito na nagkaroon ng komosyon hanggang sapilitan umanong isakay sa mobile ng pulis sina Baraquel.
Ayon kay Baraquel, hindi maganda ang pagtrato sa kanya ng mga pulis dahil marahas ito para sa isang babae. Nagtataka lamang sila kung bakit sila kinuha ng mga pulis samantalang ipinagdiriwang lamang nila ang araw ng kababaihan. Hindi rin umano sigurado ang mga pulis na kumuha sa kanya kung ano ang isasampang kaso.
Tiniyak nito na kanyang kakasuhan si Radovan at mga pulis nito na siyang responsable sa panggugulo sa matahimik nilang rally. Nanindigan si Baraquel na ilegal ang ginawag pag-aresto sa kanya dahil sakop siya ng tinatawag na parliamentary immunity.
Sa ilalim ng batas, hindi puwedeng arestuhin ang sinumang miyembro ng Kongreso habang nakabukas ang sesyon kung ang katumbas na parusa ay hindi hihigit sa 6 taong pagkakulong.
Nakita naman ni Joshua Mata ng Alliance of Progressive Labor ang ginawang pagdi-disperse kina Baraquel kaya pumagitna siya subalit siya naman ang pinalo sa likod ng mga pulis.
Ayon kay Mata, napilitan siyang pumagitna nang makita niyang sapilitang isinasakay at pinapalo ng mga pulis ang mga kababaihang nagra-rally. Pinakawalan din si Baraquel habang kakasuhan si Mata. (Doris Franche At Malou Escudero)