Sinabi ni Rep. Ocampo sa isang pulong-balitaan, hindi imposibleng bumalik muli siya sa kabundukan kung hindi makakakuha ng hustisya sa administrasyong Arroyo.
"Kung hindi kami makakakuha ng katarungan then open ang option namin for our survival," wika pa ni Ocampo sa tanong ng mga reporters kaugnay sa posibilidad na muli itong pumasok sa NPA.
Isa si Ocampo sa 5 kongresista na nasa ilalim ng protective custody ng House of Representatives dahil sa kasong rebelyon.
Iginiit naman nito, hindi sila pabor na gumamit ng bayolenteng pamamaraan para makuha ang kanilang objective na pulitikal kahit ginigipit na sila ng gobyerno.
Si Ocampo ang nagsilbing spokesman ng National Democratic Front (NDF) sa peace talks sa ilalim ng Aquino government.
Hinamon din ng kongresista si National Security Adviser Norberto Gonzales na magpakita ng ebidensiya na ginagamit nila ang kanilang puwesto sa Kamara para tulungan ang New Peoples Army (NPA).
Ayon naman kay House Minority Leader Francis Escudero, matapos ang EDSA 1 ay nahimok ng gobyerno ang mga leftist group na bumalik sa mainstream ng lipunan at makilahok sa eleksyon.
Subalit taliwas ang ginagawa ngayon ng Arroyo government, ayon kay Rep. Escudero, dahil pinipilit nitong itulak pabalik sa underground ang mga leftist group na nagbalik-loob sa pamahalaan. (Malou Escudero)