Sa isang pahinang manipesto na ipinalabas ng Beyond 2004 Movement ay nagsasabing ang idineklarang State of National Emergency ng Pangulong Arroyo ay isa umanong nararapat na hakbang upang ipagtanggol ang kapakanan ng mas nakararaming mamamayan at upang mapanatili ang isang matatag na republika.
Ang nasabing manipesto ay may pamagat na Mabuhay PGMA na pinirmahan ng mga Barangay Chairman na sina Teodoro Iradiel Jr., ng Barangay 129 ng Smokey Mountain; Perlita Reyes ng Barangay 101 ng Vitas, Katuparan; Luisito Reyes ng Barangay 105, Happy Land; Teresita Lumactod ng Barangay 649 ng Baseco; Ely Saluib ng Barangay 20 ng Parola, Tondo at Justo Dela Cruz ng Barangay 275 ng Parola, Binondo.
Nananawagan ang grupo sa ilan pang individual partikular ang nasa panig ng oposisyon na nagnanais pang magpatuloy sa paggawa ng kaguluhan upang pabagsakin ang kasalukuyang pamahalaan na huwag nang tangkaing humakot ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupan upang iligaw ang kanilang kaisipan kapalit ng maliit na halaga para lamang isulong ang pangsariling hangarin.
Ayon sa grupo, hindi na nila hahayaan na masira ang dignidad ng kanilang nasasakupan kapalit ng anumang halaga at patuloy na maging biktima ng panlalansi at maging kasangkapan sa panggugulo ng iilan upang abalahin at pigilan ang mga programang nakatuon sa pag-angat ng kabuhayan ng mga mahihirap at pag-unlad ng ating ekonomiya. (Mer Layson)