Piso mas lalakas sa pagbawi sa 1017

Kumpiyansiya ang mga kongresista na lalong lalakas ang piso kontra sa dolyar matapos na bawiin kahapon ni Pangulong Arroyo ang Presidential Proclamation 1017.

Umaasa rin sinaTarlac Rep. Jesli Lapus, Davao Oriental Rep. Joel Mayo Almario at Parañaque Rep. Eduardo Zialcita na aabot sa palitan na P50 ang halaga ng piso laban sa dolyar.

Sinabi ng mga kongresista na ang pagbawi sa deklarasyong state of national emergency sa bansa ay isang senyales para manumbalik sa normal ang kalagayan sa bansa at ito naman ang talagang hinihintay ng merkado.

Ayon kay Lapus, bagama’t walang masyadong epekto sa merkado ang ipinatupad na state of emergency matapos na pumalo sa pinakamataas na P51.22 ang palitan ng piso sa dolyar, lalong mapapalakas ng pagbawi sa PP1017 ang halaga ng salapi ng bansa, at maging ang kalakaran sa Philippine Stock Market.

Naniniwala naman si Almario na matagumpay na nalabanan ng pamahalaan ang anumang pagbabantang pabagsakin ang administrasyon. Hinimok din nito ang lahat ng puwersang kumakalaban sa pamahalaan na isantabi na ang hindi pagkakaunawaan at makipagtulungan kay Pangulong Arroyo upang lalong mapabilis ang pag-unlad ng bansa. Kabilang sa mga dapat tutukan sa ngayon ay ang pagtitiyak na maipapatupad ang mga reporma sa ekonomiya upang maging positibo ang magiging takbo ng 2006.

Nananalig din si Zialcita na posibleng aabot ito sa P47.50 sa mga susunod na buwan kung magpapatuloy ang magandang takbo ng ekonomiya. (Malou Escudero)

Show comments