Sa kanyang pahayag sa national television kahapon, sinabi ng Pangulo na nagdesisyon siyang alisin na ang 1017 matapos ang isinumiteng assessment ng Department of Justice, Defense Department at PNP na nagsabing kontrolado na ang sitwasyon at epektibong nasugpo ng AFP at PNP ang mga kaguluhan at rebelyon.
"Ngayon, matapos ang isang linggo, ikinagagalak kong sabihin na nawasak na ang pagsasabwatan at panahon na upang bumalik sa tunay na gawain ang pamahalaan. Matibay ang aking tiwala na nanumbalik ang kaayusan. Samakatwid, ayon sa kapangyarihang kaloob sa akin ng Saligang-batas, ipinapahayag ko na mula sa sandaling ito hindi na umiiral ang state of national emergency," sabi ng Pangulo.
Pinasalamatan ng Pangulo ang mga sundalo at pulis na hindi nagpadala sa hatak ng pulitika at nanatiling tapat sa pinanumpaang tungkulin bilang tagapagtanggol ng bayan.
Inutos din ng Pangulo na ipull-out na ng PNP ang puwersa nito sa pahayagang The Daily Tribune matapos ang ilang araw na pag-takeover.
Umapela rin ang Pangulo sa mga kalaban sa pulitika at iba pang oportunista na tigilan na ang pananabotahe sa ekonomiya at paglalagay sa bansa sa kahihiyan. Nagbanta rin ito sa mga kaaway na ayaw tumigil na hindi siya mangingiming gawin muli ang kahalintulad na aksiyon kung magpapatuloy ang kanyang mga katunggali sa pananakit sa kabuhayan ng bansa at paglalagay sa panganib sa seguridad.
Tiniyak naman ng Pangulo na bibigyan ng makatarungang paglilitis sa korte ang mga inarestong destabilizers at mga sundalong kasabwat. (Lilia Tolentino)