Sa isinagawang public hearing kamakalawa ng House committee on labor and employment na pinamumunuan ni Zamboanga del Norte Rep. Roseller Barinaga, inireklamo ng mga lider ng aviation sector ang patuloy na pagkaubos ng mga piloto sa bansa.
Aminado si Barinaga na mayroong manpower crisis sa aviation industry at parang binabalewala lamang umano ang problema ng Air Transportation Office.
Ayon sa mga major players at local aviation industry, dapat na madaliin ang pagpasa ng panukalang batas para sa pansamantalang pagbabawal sa mga piloto, aircraft engineers at aviation mechanics na magtrabaho sa abroad o international airline companies bilang solusyon sa problema.
Mas marami anyang mga magagaling na piloto at mechanics ang nawawala sa Pilipinas dahil napa-pirate ng mga international airline companies.
Ang mga airline firm sa European countries, India, Middle East at United States ang sinasabing "poachers" ng mga skilled Filipino manpower.
Kinikilala umano ang kagalingan ng mga Filipino aviation personnel sa buong mundo kaya kalimitang sila ang pina-pirate ng mga international airline companies na nagdudulot naman ng brain-drain sa Pilipinas. (Malou Escudero)