Naghain ng House resolution no. 1165 si Rep. Mandanas upang hilinging magsagawa ng joint session ang Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso upang pagbotohan ang ipinalabas na proclamation ni Pangulong Arroyo.
Naniniwala si Mandanas na ito ang pinakamabuting paraan upang matapos na ang naturang isyu at maiwasan na lumala pa ang sitwasyon sa bansa dala na rin ng nasabing kautusan ng Pangulo.
Ipinaliwanag pa nito, nakasaad sa section 23 ng Article VI ng Saligang Batas na kapag panahon ng giyera o national emergency, maaaring bigyan ng awtoridad ng Kongreso ang Pangulo sa limitadong panahon para magpatupad ng national emergency at nakapaloob din dito na may kapangyarihan ang Kongreso na limitahan ang panahon ng idineklarang national emergency at maglagay ng restrictions sa kapangyarihan ng Pangulo.
Samantala, kinondena ng Liberal Party sa kanilang caucus ang pagpapatupad ng nasabing proklamasyon kasabay ang pagkukuwestyon sa legalidad nito sa Korte Suprema.
Kabilang sa mga kumukwestyon sa legalidad nito sina Senate Majority Leader Francis Pangilinan, Sen. Pia Cayetano, Sen. Rodolfo Biazon, Sen. Mar Roxas at Senate President Franklin Drilon sa isang resolusyon sa Senado.
Naniniwala naman si Sen. Juan Ponce Enrile na mayroong batayan ang pagdedeklara ng State of National Emergency subalit nabahala siya sa sunud-sunod na pag-aresto at pagsalakay sa media organization na kritikal sa Pangulo.
Ayon naman kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, walang kakayahan ang Korte Suprema para desisyunan ang Presidental Proclamation No 1017 sakali man na idulog ito ng mga kontra dito.
Sa pananaw ni Sen. Santiago, puwedeng makialam ang SC kung ang ibinaba ni PGMA ay ang batas militar at suspension ng writ of habeas corpus at kung national emergency lang ay hindi ito maaring manghimasok batay na rin sa Art. 7 Sec. 18 ng saligang-batas.
Aniya, wala din daw karapatan ang Senado na magkaroon ng inquiry on the aid of legislation sa 1017 dahil wala namang lehislaturang pag-uusapan, at ang nakapaloob dito ay probisyon ng konstitusyon, kung saan walang papel ang Senado. (Malou Rongalerios/Rudy Andal)